ang taong hindi ako
Thursday, June 23, 2005 @ 12:20 PM 2 comments

Ngayon ko lang naalala kung bakit ko ginustong magtrabaho. Ngayon ko lang naramdaman na hindi totoo ng sabihin kong 'trip ko lang' tuwing ako'y tatanungin. At bukod sa trabaho, ngayon ko lang nakita kung gaano kalaki ang aking pangangailangan.

Tuluyan nang hindi kinaya ng tindahan na buhayin kaming magkapatid at mga pinsan ko sa pag-alis nila Mama at Papa. Hindi ako nakapasok sa school para magpasa ng take home quiz sa ACDC dahil wala akong pamasahe. Kinailangan kong puntahan si Muriel para manghiram ng kaunting barya pandagdag sa natitira naming pera. Sa huli, nabuo ang singkwenta pesos na tama lang upang makapunta ko sa PGH para muli ay mangutang sa katrabaho ni Mama.

Wala daw si Kuya Bong nang ako'y dumating sa Ward 2. Umarte akong tatawag muna sandali at babalik pagkatapos pero ang totoo hindi ko masikmura ang kahihiyan ng sitwasyon ko. Lalo lang akong naaawa sa sarili ko.

Sa pag-upo ko sa hagdan sa ibaba ng Burn Unit, naramdaman kong ito na pala ang pinakamatagal na panahon na napirmi ako sa isang lugar ng mag-isa simula ng ako'y magtrabaho. Nagkaroon ako ng pagkakataong makapag-isip tungkol sa mga patuloy na pagbabago sa buhay ko.

Hindi ko lubos maintindihan kung papaano at kung ano na ang nangyayari sa pamilya ko at kami'y nagkakaganito. Lumaki ako sa isang marangyang pamumuhay at paniwala ko nung bata ako, mayaman kami. Hanggang magising ako isang araw ng wala ng makain at naisip kong hindi na pala o marahil hindi naman talaga at imahinasyon ko lamang iyon mula pa sa umpisa.

Simula pa noon, malaki na ang paghanga ng ibang tao sa aking pamilya. Maganda raw ang ginawang pagpapalaki sa amin ng aking mga magulang at maganda ang imaheng naalagaan nila para sa amin. Kahit saan kami mapadpad, iginagalang kaming parang pamilya ng isang politiko, inuutangan na parang kasing yaman ni Eddie Gil at hinihingan ng payo na parang si Joe D'Mango.

Sa mga okasyong tulad niyon ay di mawawala ang walang sawang pagbibida nila sa aming magkapatid, lalo na sa akin. Ang matatanda'y puring-puri sa akin dahil sa mga kwento ni Mama tungkol sa batang sigurado kong hindi naman ako.

Dito ko naisip ang pagpasok ko sa call center, dito ko napatunayan na hindi ako pumasok doon dahil lamang sa malaking sweldo 'daw' na ayon sa mga kakilala ko. Dito ko naisip na may mas malaki pa akong dahilan bukod dun.

Buong buhay ko, ipinagmamalaki ako ng mga taong nakapaligid sa akin dahil sa mga bagay at mga katangiang wala naman ako. Ngayon ko lang masasabi na maari na nila kong maipagmalaki, kahit di sa aking pag-aaral o kaya'y sa aking pagkatao kundi dahil sa trabaho ko dahil ang totoo, ito lang naman talaga ang alam ko. At kahit sampung ulit kong ulitin ang pag-aaral ko sa Mapua, dito lang talaga ko magaling--ang magsalita. Kahit masakit isipin, ang totoo, bobo ako. Nakikisakay lang ako sa imaheng ibinalot sa 'kin ng mga magulang ko kahit sa loob nito'y inuuod at masangsang na putik ang naroon.

Mula ng ako'y magkaisip, dalawang bagay lang ang nakapagpaiyak sa akin. Isang babae at ang pamilya ko. Pero di tulad ng huling pagkakataon, ngayo'y wala si Santy para sabihin na wag akong sumimangot para di halata, wala si Ian para sabihing "Okay, lang yan pare." at wala si Julius para panoorin at pakinggan ang mga sentimiento ko. Ngayon, ang pader na malamig sa gilid ng hagdanan sa gitna ng PGH ang tanging saksi ko at tanging sandalan ko. Ito rin ang paghuhugutan ko ng lakas ng loob para muling bumalik sa Ward 2 para kunin ang perang uutangin ko.



SCARS OF MY WRECKED SOUL
Journal of Andrew Nava Trapani
Photo Sharing and Video Hosting at Photobucket
Profile

Friendster Profile

Multiply Profile


EXITS
Ala
Anne
Bianca
Blanca
Coco
Domz
Eda
Edmarie
Jane
Jay
Mapua
Postsecret
Silversoul

MAPUAN BLOGS
Anette
Aki
Diana
Jules
Mapua Bloggers
Mark
Ninni
Rapunzel
Remely
Sean

LOOKING BACK
September 2004
October 2004
November 2004
December 2004
January 2005
February 2005
March 2005
April 2005
May 2005
June 2005
July 2005
August 2005
September 2005
October 2005
November 2005
December 2005
January 2006
March 2006
April 2006
May 2006
June 2006
July 2006
August 2006
September 2006
October 2006
November 2006
December 2006
January 2007
February 2007
March 2007
April 2007
May 2007
June 2007
July 2007
August 2007

Design
AMBIVALENTE


Photo Sharing and Video Hosting at Photobucket Photo Sharing and Video Hosting at Photobucket Photo Sharing and Video Hosting at Photobucket Photo Sharing and Video Hosting at Photobucket Photo Sharing and Video Hosting at Photobucket Photo Sharing and Video Hosting at Photobucket Photo Sharing and Video Hosting at Photobucket Photo Sharing and Video Hosting at Photobucket Photo Sharing and Video Hosting at Photobucket Photo Sharing and Video Hosting at Photobucket Photo Sharing and Video Hosting at Photobucket Photo Sharing and Video Hosting at Photobucket Photo Sharing and Video Hosting at Photobucket Photo Sharing and Video Hosting at Photobucket Photo Sharing and Video Hosting at Photobucket Photo Sharing and Video Hosting at Photobucket Photo Sharing and Video Hosting at Photobucket