ang taong tinutukoy nila
Tuluyan nang lumisan ang aking ama sa aming tahanan. Sa takbo ng mga pangyayari sa loob nito, mainam na daw iyon para hayaan naming ang panahon ang syang maghilom ng mga sugat na dala ng kalilipas lamang na kahapon. Napakasarap pakinggan na ito ay para sa ikabubuti ng pamilyang kamuntik nang mawasak na sya rin naman ang dahilan, ngunit tila bakit para sa akin ay mahirap itong paniwalaan.
Lumaki ako sa mundong hindi totoo. Maraming malalaking bagay ang ginawa ko sa buhay ko na dala lamang ng dikta ng ibang tao at hindi ang mga bagay na sadyang ginusto ko. Wari'y bago pa man ako isilang, naka-disenyo na ang landas na aking tatahakin. At nang dahil dito, nasanay akong gawin ang mga bagay sa buhay ko na labag sa tunay kong mga saloobin at kahit anong pagpupumiglas ang aking gawin nang sa gayon ako naman ang syang magpatakbo ng buhay ko, hindi ito naging madali sa isang tulad ko sapagkat buong buhay ko ay sumusunod lamang ako. Gayunpaman, wala akong pinagsisihan sa lahat nang aking mga pinagdaanan. Nais kong ituring na mga aral ang lahat ng ito sa aking pagtahak tungo sa mundong noon pa ma'y syang nais ko.
Ang aking pamilya ay lubos na pinagkakapitagan ng ibang tao. Kung kami'y pag-usapan, animo'y mga banal na kailanman ay hindi marunong magkasala. Makailang ulit ko rin namang naranasang maikumpara kami ng aking kapatid sa ibang mga anak at ni kailanman ay hindi ko ito ikinatuwa. Para sa akin, hindi ako kailanman naging o magiging ang taong sa tingin nila ay ako. Sa aking pamilya, ang aking ama na marahil ang pinaka-tinitingala. Habang ako'y nagkakaisip, napuno ako ng mga papuri na naging mabuti raw ang pagpapalaki sa akin ng aking mga magulang at abot-langit ang paghanga nila sa aking ama na ayon sa kanila ay napakagaling makisama at tunay nga namang napakabuting tao. Hindi naman sa ito'y di ko ikinalulugod, ngunit minsan ako'y napapag-isip dahil minsan sa aking pakiwari, gaya ng pagtingin ko sa aking sarili, ay hindi ko kilala ang taong tinutukoy nila.
Ang aking ama ay lumaki sa hirap at sa kanilang pamilya, siya lamang ang bukod tanging nagpursiging makapagatapos ng pag-aaral. Namasukan sya sa ibang tao bilang kapalit nito at naigapang ang pagtatapos ng kolehiyo nang ako ay nasa elementarya na. Inani nya ang lahat nang kanyang narating kaya't marapat lamang na sya'y ikarangal ng dahil sa mga ito. Ngunit sa kabila ng lahat ng ito, isang katotohanan ang hindi niya marahil kailanman makakayang ikubli, gayundin nang lahat ng taong humahanga sa kanya, sa likod ng lahat ng kanyang natamo. Ito ang katotohanang gaya nating lahat, siya ay tao. Tao na mayroon ding kahinaan at minsan ay nagkakamali rin at may hangganan ang kayayanan. Sa lahat ng kanyang narating, ito na marahil ang mga bagay na hirap syang tanggapin.
Sa kanyang paglisan, di ko mawari kung ano ang aking tunay na nararamdaman. Ngunit sa kabila nito, isang bagay lang ang aking masisiguro. Ipinabaon ko sa kanya ang pag-asang nawa'y sa kanyang pagbabalik ay isang tao nang kilala ko ang aking makakaharap, di nga naman perpekto subalit totoo.